Kristolohiya
Ang Kristolohiya (Ingles: Christology) ay isang larangan ng pag-aaral sa teolohiyang Kristiyano. Nagtatanong ito ng mga katanungan hinggil sa kalikasan ni Kristo. Sa partikular, tinitingnan nito kung paano may kaugnayan sa isa't isa ang pagkaDiyos at pagkatao ni Hesus gayundin ang kanyang ugnayan sa Ama at Banal na Espirito. Ang mga debate tungkol sa tunay na kalikasan ni Hesus ay humantong sa mga pagkakabahagi sa loob ng Kristiyanismo mula pa noong simulang kasaysayan at maging hanggang sa kasalukuyang panahon. Ito ay resulta ng mga magkakasalungat at mga hindi malinaw na pahayag(na bukas sa mga iba't ibang interpretasyon) sa kanonikal na Bagong Tipan tungkol sa kalikasan ni Hesus.[1] Ang ibang mga sinaunang pangkat ng Kristiyanismo ay gumagamit ng mga ibang ebanghelyo na hindi nakapasok sa kanon ng Katoliko noong ika-4 siglo CE na may napakaiba at sumasalungat na pananaw mula sa mga nakasulat sa naging kanonikal na ebanghelyo
Mga paniniwala tungkol kay Hesus
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga paniniwala sa tunay na kalikasan ni Hesus
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Subordinasyonismo: Ang paniniwalang si Hesus ay mas mababa sa Ama sa kalikasan. Ayon sa mga skolar, ito ang doktrinang tinatanggap ng maraming mga teologong Kristiyano bago ang pagkakabuo ng doktrinang Trinidad noong ika-4 siglo. Ang subordinasyonismong ontolohikal ay natatangi mula sa subordinasyong ekonomiko o subordinasyong relasyonal na tinatanggap ng ilang mga Trinitariano. Sa subordinasyonismo o subordinasyong ontolohikal, ang Anak at Ama ay hindi lamang hindi magkatumbas sa opisina kundi pati sa kanilang kalikasan. Sa subordinasyong ekonomiko, ang subordinasyon ng Anak ay nauukol lamang sa paraan ng subsistensiya at operasyon ngunit hindi sa kalikasan. Ang tagapagtaguyod ng doktrinang subordinasyonismo na si Origen ay nagturo na si Hesus ay isang ikalawang Diyos at may ibang substansiya sa Ama.
- Arianismo: Ang paniniwalang si Hesus ay hindi diyos at nilikha lamang ng diyos. Ang tunay na diyos lamang ang ama at sa pamamagitan ng anak ay nilikha ang banal na espiritu na nagpapasakop sa anak kung paanong ang anak ay nagpapasakop sa ama.
- Trinitarianismo: Ang paniniwala na nabuo noong ika-4 siglo[2] na si Hesus ang isa sa tatlong mga persona ng isang Diyos. Ang Diyos Ama, Diyos Anak(Hesus) at Diyos Espirito Santo ay mga personang natatangi sa bawat isa ngunit may iisang "substansiya, esensiya o kalikasan". Ito ay nabuo noong mga ika-4 na siglo bilang reaksiyon sa subordinasyonismo at Arianismo. Taliwas sa paniniwala ng Simbahang Katoliko Romano, ang Simbahang Silangang Ortodokso ay naniniwala sa monarkiya ng Ama na nagsasaad na ang Anak at Banal na Espirito ay hinango mula sa Ama at ang Ama ang natatanging walang pinagmulan o sanhi. Ayon sa Silangang Ortodokso, ang Ama ay walang hanggan at hindi nalikhang realidad. Si Kristo at Banal na Espirito ay walang hanggan rin at hindi nalikha sa dahilang ang kanilang pinagmulan ay hindi sa ousia ng Diyos kundi sa hypostasis ng Diyos na tinatawag na Ama. Sa Romano Katoliko, ang Banal na Espirito ay nagmula nang pantay mula sa parehong Ama at Anak.
- Modalismo: Ang paniniwalang salungat sa Trinidad na ang Ama, Anak at Banal na Espirito ay mga iba ibang aspeto ng isang monadikong Diyos sa halip na tatlong mga natatanging persona sa isang PagkaDiyos.
- Adopsiyonismo: Ang paniniwalang si Hesus ay naging "anak ng diyos" sa pamamagitan ng pag-aampon sa kanyang bautismo.
- Psilantropismo: Ang paniniwalang si Hesus ay isa lamang tao at ang literal na anak ng mga taong magulang.
- Socinianismo: Itinuro ni Photinus na si Hesus bagaman perpekto at walang kasalanan at isang mesiyas ay isa lamang perpektong Anak ng Diyos at walang pag-iral bago ang kanyang kapanganakan.
- Gnostisismo: Si Kristo ay isang makalangit na Aeon ngunit hindi kaisa ng Ama.
- Chalcedoniano: Ang paniniwalang si Hesus ay may dalawang kalikasan: isang tao at isang diyos pagkatapos ng kanyang pagkakatawang tao.
- Eutychianismo: Ang paniniwalang ang kalikasang pagkatao at pagkadiyos ni Hesus ay pinagsama sa isang(mono) kalikasan. Ang kanyang pagkatao ay "natunaw gaya ng patak ng pulot sa dagat.
- Miapisismo: Ang paniniwalang ang pagkaDiyos at pagkatao ni Kristo ay nagkakaisa sa isang kalikasan.
- Monopisismo: Ang paniniwalang si Hesus ay may isa lamang kalikasan. Ang kanyang pagkatao ay sinisipsip ng kanyang pagka-diyos.
- Apollinarismo: Ang paniniwalang si Hesus ay may katawang tao at may taong "buhay na prinsipyo" ngunit ang diyos na logos ay pumalit sa nous o "nag-iisip na prinsipyo", na maikukumpara ngunit hindi katulad ng tinatawag na isip sa kasalukuyang panahon.
- Monothelitismo: Ang paniniwalang si Hesus ay may dalawang kalikasan sa isang persona ngunit siya ay may kaloobang(will) pagkadiyos ngunit walang kaloobang pangtao.
- Docetismo: Ang paniniwalang ang pisikal na katawan ni Hesus ay isa lamang ilusyon gayundin ang kanyang krusipiksiyon. Samakatuwid, si Hesus ay para lamang may pisikal na katawan at parang pisikal na namatay ngunit sa realidad, si Hesus ay walang katawan, isang purong espiritu kaya hindi maaaring mamamatay ng pisikal.
- Mandaeismo: Sila ay naniniwala na si Hesus ay isang "bulaang propeta" na nagliko ng mga katuruang ipinagkatiwala sa kanya ni Juan Bautista.
- Marcionismo: Sila ay naniniwala na ang Kristo ay hindi ang mesiyas ng Hudaismo ngunit isang entidad na espiritwal na ipinadala ng Monad upang ihayag ang katotohanan tungkol sa pag-iral at kaya ay pumapayag sa sangkatauhan na makatakas sa bitag na pangmundo ng demiurge.
- Mga Ebionita: Kanilang itinakwil ang pre-eksistensiya ni Hesus, kanyang pagkaDiyos, kanyang birheng kapanganakan, pagtitikang kamatayan at pisikal na pagkabuhay muli sa kamatayan. Sila ay naniwalang si Hesus ay isang biolohikal na anak nina Maria at Jose at pinili ng Diyos na maging propetang mesiyaniko nang siya ay pahiran ng Banal na Espirito sa kanyang bautismo. Sila ay tumatanggap lamang sa isang ebanghelyo na Ebanghelyo ng mga Ebionita bilang karagdagan sa Tanakh(Hebreong Lumang Tipan) at nagturo na ang mga Hudyo at Hentil ay dapat sumunod sa mga kautusan ni Moises.
- Pablo ng Samosta: Kanyang itinuro na si Hesus say isa lamang tao na nilagyan ng Diyos na Logos. Dahil dito, si Hesus ay hindi isang Diyos na naging tao kundi Tao na naging Diyos.
Paniniwala ng pagiging mesiyas ni Hesus
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa teolohiya ng Hudaismo, ang mashiah o mesiyas ay tumutukoy sa isang hari ng Israel mula sa angkan ni David, na mamamahala sa mga pinagkaisang tribu ng Israel[3], at maglulunsad ng Panahong Mesiyaniko[4][5] ng pandaigdigang kapayapaan. Kabilang sa mga pangyayaring magaganap sa pagdating ng Hudyong mesiyas ayon sa mga skolar ng Hudaismo ang muling pagkakabuo ng sanhedrin at muling pagkakatipon ng mga Hudyo sa Israel na nagkalat sa buong mundo. Ang mga natipon ay muling magbabalik sa pagsunod sa Torah at kautusan ni Moises. Ayon din sa Hudaismo, ang mesiyas na Hudyo rin ang tanging binibigyan ng kapangyarihan na magtayong muli ng isang "pisikal"(literal) na Templo sa Herusalem na tinatawag na Ikatlong Templo. Sa muling pagtatayong ito ng Templo sa Israel, ang mga paghahandog ng mga hayop ng Hudyo kay Yahweh ay muling mapapanumbalik. Sa Hudaismo, ang mesiyas ay isa lamang ordinaryong tao na sumusunod sa Torah at hindi isang Diyos o isang Diyos na Anak ng Diyos.
Pananaw ng mga Kristiyano
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa apat na ebanghelyo, si Hesus ay inaangkin na ang mesiyas na ipinadala ng Diyos upang iligtas ang kanyang mga alagad sa malapit na paghuhukom na magaganap noong unang siglo CE(Mateo 19:28, Mateo 10:23). Ang salitang hebreong mesiyas ay isinalin sa Griyegong "kristo" kaya karaniwang tinatawag si Hesus na "Hesu-Kristo"(Jesus Christ) dahil sa paniniwalang si Hesus ang mesiyas o kristo. Upang patunayan ang pag-aangking ito ng pagiging mesiyas o kristo ni Hesus, ang mga may akda ng 4 na kanonikal na ebanghelyo (Mateo, Marcos, Lucas, Juan) ay humanap ng mga "hula" sa Tanakh(Lumang Tipan) at inangking ang mga ito na katuparan ni Hesus. Ang salin ng Hebreong Tanakh na pinagsanggunian o sinipi ng mga may akda ng 4 na ebanghelyo ang saling Griyego na Septuagint. Ayon din sa mga skolar, ang Bagong Tipan ay orihinal na isinulat sa wikang Griyego. Hindi tinatanggap ng mga skolar na Hudyo ang Septuagint dahil sa naglalaman ito ng mga korupsiyon. Ayon sa apat na kanonikal na ebanghelyo(Mateo, Marcos, Lucas, Juan), dahil sa pagtuturo ni Hesus ng mga utos na iba sa mga kautusan ni Moises, si Hesus ay itinakwil ng mga Hudyo. Bukod dito, ayon din sa Bagong Tipan, si Hesus ay nag-angking diyos(Juan 10:33) na itinuturing ng mga Hudyo na isang malaking kapusungan dahil sa kanilang paniniwala lamang sa isang diyos na si Yahweh.
Pananaw ng mga Hudyo tungkol kay Hesus
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon sa mga skolar ng Hudaismo, ang mga sinasabing hula na katuparan ni Hesus sa Bagong Tipan ay binatay mula sa maling saling Griyego na Septuagint ng Bibliya gayundin ay mga misinterpretasyon ng mga talata sa Tanakh.[6][7][8][9][10] Ang opisyal na Bibliyang ginagamit ng mga Hudyo ay ang Hebreong Masoretiko at hindi ang Griyegong Septuagint. Ang isa sa maraming halimbawa ng mga pinaniniwalaang korupsiyon sa Septuagint ang Isaias 7:14 na pinagkopyan ng manunulat ng Ebanghelyo ni Mateo(Mateo 1:23). Ayon sa Isaias 7:14 ng Septuagint, "ang partenos(birhen) ay manganganak...". Ayon sa Masoretiko, ang Isaias 7:14 ay "ang almah(babae) ay buntis at malapit ng manganak...". [11]
Sa Islam
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon sa Islam, si Hesus (Issa sa Qur'an) ay kinikilala bilang sugo at masih(mesiyas sa Islam) ng diyos na si Allah na ipinadala upang gabayan ang mga Anak ng Israel (bani isra'il) sa pamamagitan ng isang bagong kasulatan, ang Ebanghelyo(Injil sa Qur'an)[12] . Gayumpaman, itinatakwil ng Islam ang mga paniniwala sa Kristiyanismo na si Hesus ay ipinako sa krus, sa halip siya ay sinasabi sa Qur'an na iniakyat ng buhay sa langit. Isinasalaysay ng Islamikong tradisyon na siya ay magbabalik sa lupa kapag sa Araw ng Paghahatol upang ibalik muli ang katarungan at talunin ang "Maling Mesiyas" (al-Masih al-Dajjal, kilala rin bilang Antikristo) at ang mga kalaban ng Islam. Dahil isa siyang makatarungang pinuno, si Hesus sa huli ay yayao.[13]
Gaya ng lahat ng propeta sa Islam, si Hesus ay itinuturing na isang Muslim. Itinatakwil ng Islam ang pananaw ng Kristiyanismo na si Hesus ay diyos na nagkatawang tao o anak ng diyos. Ang Qur'an ay nagsasaad na mismong si Hesus ay hindi nag-angkin ng mga gayong bagay. Ang Qur'an ay nagbibigay diin din na si Hesus ay isa lamang mortal(namamatay) na tao na gaya ng ibang propeta sa Islam ay hinirang ng diyos upang ipalaganap ang mensahe ng diyos.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ http://www.npr.org/templates/story/story.php?storyId=124572693
- ↑ HarperCollins Bible Dictionary, "The formal doctrine of the Trinity as it was defined by the great church councils of the fourth and fifth centuries is not to be found in the NT [New Testament]" (Paul Achtemeier, editor, 1996, "Trinity").
- ↑ Megila 17b–18a, Ta'anit 8b
- ↑ E·ra me·siá·ni·ca sa Kastila
- ↑ Sota 9a
- ↑ Why did the majority of the Jewish world reject Jesus as the Messiah, and why did the first Christians accept Jesus as the Messiah? Naka-arkibo 2011-07-16 sa Wayback Machine. by Rabbi Shraga Simmons (about.com)
- ↑ Michoel Drazin (1990). Their Hollow Inheritance. A Comprehensive Refutation of Christian Missionaries. Gefen Publishing House, Ltd. ISBN 965-229-070-X.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Troki, Isaac. "Faith Strengthened" Naka-arkibo 2007-09-29 sa Wayback Machine..
- ↑ "The Jewish Perspective on Isaiah 7:14". Messiahtruth.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 2002-06-24. Nakuha noong 2009-04-11.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ http://www.outreachjudaism.org/FAQ
- ↑ http://www.outreachjudaism.org/articles/dual-virgin.html
- ↑ The Oxford Dictionary of Islam, p.158
- ↑ "Isa," Encyclopedia of Islam.